Ang pigsa ay impeksyon na nagmumula sa Staphylococcus aureus bacteria. Ito ay isang uri ng bukol na namumuo sa ilalim ng balat sa bahaging pinagtutubuan ng buhok o hair follicles. Nagsisimula ang pigsa sa pamumula ng balat na kalaunan ay tumutubo ang maliit na bukol na lumalaki habang ito ay napupuno ng nana. Sa kabilang banda, tumutubo ang pigsa sa kahit saang bahagi ng katawan, ngunit kadalasan ito ay lumalabas sa mukha, leeg, kilikili, singit, hita, o pati na rin sa pwetan, na mas lalong nakakairita at masakit kapag ikaw ay uupo. Ang incubation nito ay tumatagal ng apat hanggang sampung araw.
Sa kabila ng sakit na dulot ng pigsa, ay wag masyadong mabahala, dahil di naman ito delikado. Antayin lang na mahinog ito at saka pisain. Paalala lang po na huwag gagamit ng karayom sa pagpisa ng pigsa, dahil ito ay magpapalala lamang sa impeksyon. Sa katunayan, may mga kaso na na ang paggamit ng karayom sa pagpisa ng pigsa ay nauwi sa tetano.
Mga uri ng Pigsa
Samantala, ang pigsa ay nahati sa dalawang uri. Ito ay ang furuncle, ito ang mas karaniwang uri ng pigsa, nagkakaroon din ito ng mata kapag malapit na itong pumutok. Madalas itong nakikita na mag-isa sa leeg, kilikili, hita, singit, mukha, at sa pwetan.
At ang pangalawang uri ng pigsa ay ang carbuncle, ito ay ang dalawa o higit pang mga pigsa na magkakatabi, sabay-sabay lumalaki ang mga ito at nagkakaroon ng ugnayan sa kanilang pagitan. Mas seryoso ang carbuncle kaysa pangkaraniwang pigsa, dahil kadalasan ay may kasama itong lagnat at panghihina ng katawan.
Narito po ang mga sintomas ng pigsa
Una, pamumula, mas mapula ang tuktok ng pigsa at unti-unting kumukupas ang pagkapula nito habang pababa na ang umbok; pananakit, sumusakit ito lalo na sa tuwing ito ay pinipisil; pamumula at pamamaga ng balat sa paligid ng pigsa, bukod mismo sa pigsa, ay namumula at namamaga rin ang balat sa paligid nito. Kabilang din na ang pigsa ay lumalaki ng dahan-dahan habang ito ay napupuno ng nana. Ang paglaki nito ay bunga ng pagkapuno ng nana sa loob ng bukol. Nag-uumpisa ito na kasing laki ng gisantes o p at maaaring maging kasing laki ng bola ng bilyar. At alam niyo ba na ang pigsa ay nagkakaroon din ng mata, pero hindi nakakakita. Nagkakaroon ng mata ang pigsa na ang kulay nito ay manilaw-dilaw, makalipas ang ilang araw.
Huwag Pisain ang Pigsa
Isa na naman pong paalala na laging tatandaan na hindi dapat subukang pisain o operahin ang iyong pigsa habang ito ay maliit at matigas pa. Karamihan sa mga pigsa ay kusa na lamang na mapipisa matapos itong painitin gamit ang bimpo o bote. Kapag iyong pinilit ang pagpisa ng pigsa, maaari itong magdulot ng pangmatagalang impeksyon, pamamaga at pangingitim ng peklat.
Samantala, ang mga tao ay pwedeng magkaroon ng pigsa dahil sa ilang kadahilanan, kagaya ng pagiging mahina o mababang resistensya. Ang mga taong may diabetes ay prone o kadalasang mahina ang kanilang resistensya, kaya nagkakaroon sila ng pigsa. Ang isa pang kadahilanan ay ang pakikihalubilo sa mga ibang tao na may pigsa, partikular na dito ang mga taong kasama sa loob ng bahay. At isa pang dahilan na madaling kapitan ng pigsa ang isang tao ay ang pagkakaroon ng mga ibang sakit sa balat, gaya ng eksema, soriasis at acne.
Narito ang dapat gawin kung ikaw ay may pigsa
Gamitin ang init para lunasan ang iyong pigsa. Ang paglalagay ng init sa pigsa ay magpapabilis sa sirkulasyon ng dugo at tutulong ito para gagana ang immune system ng katawan. Maaari ka ring gumamit ng isang bote na may lamang mainit na tubig upang painitin ang bahagi ng iyong katawan na may pigsa. Ilagay lamang ito sa apektadong lugar ng iyong balat ng sampu hanggang dalawampung minuto sa bawat dalawang oras. Maaari ring gumamit ng bimpo na ibinabad sa mainit na tubig, gaya ng bote na may mainit na tubig. Makakatulong ito upang matunaw ang mga naninigas na nana sa iyong pigsa at magpapadala ito ng sapat na nutrients at oxygen sa white blood cells sa lugar ng impeksyon.
At higit sa lahat, kung ang iyong pigsa ay nagsisimula ng labasan ng nana, makakatulong kung ito ay iyong huhugasan ng sabon na may antibacterial. Hugasan ang apektadong bahagi hanggang sa maalis na ang lahat ng nana. Idagdag din diyan na pagkatapos hugasan, ay lagyan ng povidone-iodine ang apektadong bahagi ng dalawa hanggang tatlong beses kada araw hanggang sa ito ay gumaling.
At dahil ang pigsa ay isang uri ng bacterial impeksyon, kailangan maghugas ng kamay, lalo na kung may nakahalubilong may pigsa. Hugasan din mabuti ang mga sugat, gasgas, kung ano ang pinsala sa balat at gamitan ng disinfectant. Kung ikaw naman ay may sugat o anumang pinsala sa balat, dapat itong takpan ng malinis na bandage. Panatilihin ang kalinisan sa katawan para malayo sa anumang bacterial infection gaya ng pigsa.
Alagaan natin ang ating sarili dahil ang kalusugan ay kayamanan. Prevention is better than cure.
Iba pang mga babasahin
Paano gamutin ang Pigsa sa ulo?
Mga bawal na pagkain sa may Pigsa
Ilang araw bago gumaling ang Pigsa?